Tagu-taguan Maliwanag ang Buwan
Kapag nadampian ng lintek na sakit ang langit mula sa kapirasong sarap, kapag dinukit ng balang mapait ang buto at balat ng mga naligaw sa impyerno, hindi titigil sa pagsirit ang dugo. Tapalan man ng himala, siyensya o pangako, hindi titigil sa pagsirit ang dugo, hangga't sinisipsip ng minurang lupa, hangga't hindi na kayang itago ang lahat sa talukap ng birheng ulap. Hindi titigil sa pagsirit ang dugo hanggat hindi nauutas ang lahat ng walang malay na humihinga, ang lahat ng sobrang dunong na ubod ng tanga, ama namin, aba ginoong maria, putang ina.