Pages

Thursday, August 1, 2013

CabSU Nueve

Ayokong kita’y sakyan pa.

Nakiangkas ako sa bumubulusok
mong pagtakbo,
Habang gumegewang-gewang
ang mga pangarap ko.

Ipinagyayabang mo sa’kin
ang mga bago mong tayong pyesa,
samantalang pinababayaan mong
inaanay, kinakalawang, nabubulok ang iba.

Itinuturo mo sa aking
kabastusan ang magsalita at magsulat
ng mga bagay na maselan,
samantalang nakapaskil sa’yong harapan
ang pinakamalaking suso sa bayan.
Hindi ko lubos maisip
kung paano mo pinaghihiwalay
ang sining at kabastusan.

Pinipilit mong makipagsabayan
sa karera ng buong mundo,
samantalang sinasagasaan mo ang
mga Isko at Iska mong pasahero.

At magtataas ka na naman bukas
ng pasahe mo.

Maglalakad na lang ako..

No comments:

Post a Comment