Pages

Thursday, August 1, 2013

CabSU Nueve

Ayokong kita’y sakyan pa.

Nakiangkas ako sa bumubulusok
mong pagtakbo,
Habang gumegewang-gewang
ang mga pangarap ko.

Ipinagyayabang mo sa’kin
ang mga bago mong tayong pyesa,
samantalang pinababayaan mong
inaanay, kinakalawang, nabubulok ang iba.

Itinuturo mo sa aking
kabastusan ang magsalita at magsulat
ng mga bagay na maselan,
samantalang nakapaskil sa’yong harapan
ang pinakamalaking suso sa bayan.
Hindi ko lubos maisip
kung paano mo pinaghihiwalay
ang sining at kabastusan.

Pinipilit mong makipagsabayan
sa karera ng buong mundo,
samantalang sinasagasaan mo ang
mga Isko at Iska mong pasahero.

At magtataas ka na naman bukas
ng pasahe mo.

Maglalakad na lang ako..

Wednesday, July 31, 2013

K.O.

Sa Bagong Silang bumagsak
si Pacman
sa tapat ng Moisley’s Toy Balloons.
Hindi na kami nakaeksena
nang sumubsob siya sa
basketball court bandang ala-una.
Ang natatandaan ko lang eh
humihiyaw pa kaming mga fans hehe
sa tuwing nasasapul ng buntal
si Dinamita.
Kami actually ay walang
mapagbulsahan ng saya
sa tuwing nababahag ang noo ng
kalaban niyang mortal.
Kinikilig sa mga pagsapok niyang
tumutulig sa laos at bulok
na kalaban.
Humihiwa na ang mga ngiti
sa pisngi ng fans
kasali ciempre ako.
Yes.
Nangigigil na makaigkas ang saya.
Kumikinang na ang mga mata.
Sabay putok ng Dinamita
sa mukha ni Pacman.
Tinatanaw ko’y nakadapa na
at di gumagalaw ang aking idol.
Bibili sana ako ng gamot sa 
katabing botika
pero daig ko pa ang knock out
hanggang kaluluwa.

Tuesday, July 30, 2013

Ang gusto mo lamang naman sa akin ay puke (Reposted)

Wag mong paglaruan
ang aking pakiramdam
damdamin ko ay hindi buslo
hindi bola ang aking puso
ako naman ay iyo lamang
sasakitan
gusto mo lamang naman
akong mahalikan

Wag mong punuin ng mga
brilyante at ginto
ang mga espasyo sa isip ko
ang mga bakante sa aking ulo
lolokohin mo lamang naman at
pagsasamantalahan ako
ang gusto mo lamang naman
sa akin ay suso

Wag mong ipanungkit
ang pinagpala mong dila
dahil hindi parang mangga
na ang puso ay nakukuha
may mga nalalaman ka pang
mga buwan at mga tala
gusto mo lamang naman
mahawakan ang aking hita

Wag mong taniman ng mga bulaklak
ang aking utak
ng mga tsokolate
ang aking kukote
iiwanan mo rin lamang naman
akong parang tae
ang gusto mo lamang naman
sa akin ay puke.

Monday, July 29, 2013

Ang kaya mo lamang naman ipagyabang ay tite (Reposted)

Wag mo akong gawing utusan
sunud-sunuran sa'yong atas
sukat sa'tin sa mundo'y patas
ihi mo lamang ang mataas.

Wag mo akong magawang saktan
dahil 'di kita uurungan
menstrasyon, konsepsyon, sesaryan,
sa tuli ka lang nahirapan.

Wag mo akong mamaliitin
wala kaming 'di kayang gawin
kaya kitang s'yam na b'wan dalhin
bayag lang kaya mong bitbitin.


Wag mo akong gawing laruan
o hugis ng 'yong kamunduhan
maraming taglay kaming yaman
tite lang kaya mong pagyabang.

Wednesday, July 24, 2013

Nasa Almar si Superman at Captain America

Nakita kong naghahabulan si
Superman at Captain America
kaninang umaga
habang nagbababa ang dyip
ng mga pasahero sa Almar.
Nasa gilid sila ng kalsada
lumilipad sa ibabaw ng mga graba.
Nakikipagunahan sa bilis ng mga dyip
papuntang SM Maligaya.
Hindi nagugulo ang bangs na “S”.
Hindi nabubura ang “A” sa noo
Tila nanalo na naman sa isang labanan
na walang liguan at umagahan.
Sira-sira ang damit
na hindi napapalitan
at wala ng brief si Superman.

Si Captain America naman
ay pudpod na ang tsinelas
at butas ang puwitan.
Hindi ko talaga maisip kung saan
nila nakukuha ang kapangyarihang
patuloy na makipaglaban sa
kontrabidang kahirapan.
Kung talagang umaabot sila ng barya
sa kanilang mga natutulungan.
Kung taga ibang planeta nga o
iniwan lang ng kanilang mga magulang
Hindi natin alam
Palibhasa nga siguro dahil
sila si Superman at Captain America
Sinasagot nila ang mga tanong ko
nang sariwang ngiti, higikgik at tawa.

Monday, July 22, 2013

Daisylee

Pinupuno niya ng mga baga ang langit
Upang gumawa ng dilim
Sinisindihan hanggang magningas
ang mga bituin.
Hinuhulma mula sa abo
ang buwan
Tumatanglaw sa naglalakad
Sa kawalan.

Nilalatag niya ang dagat sa langit
upang gumawa ng liwanag
Hinahampas ng alon
hanggang bumuhos ang ulan.
Inuukit ang sikat ng araw
sa dalampasigan
Tumatangangay sa bulaklak
sa kalawakan.










Hindi ako ang buwan na maglalaho
sa lakas ng hangin
Hindi ikaw ang araw na mabubura
sa buhangin.
Hindi tayo ang mga bituin
na magniningas lamang sa gabi
Hindi tayo ang mga buhangin
na matatangay lamang sa tabi.

Siya, sila ang gumawa ng langit
na hindi ko nakita kailanman.
Sila ay ang walang hanggan na tag-ulan.
Tayo nama’y ningas ng mga baga
na walang katapusan.
Ako ang lalaking naglalakad sa kawalan
Ikaw ang magandang bulaklak
na aking natagpuan.