Wednesday, October 31, 2012

Tatakboboto


Magkaugnay ang tatakbo
at boboto.
Pag merong tatakbo
merong boboto.
Pag merong boboto
ciempre merong tatakbo.
Pero meron ding tumatakbong 

hindi ibinoboto,
meron ding mga botanteng 

hindi bumoboto
at mga pede nang bumoto
pero hindi nagpaparehisto.
Sila raw iyong mga walang
pakialam.
Ibig sabihin botohan
na naman,
pede ring takbuhan
na naman.

Merong mga tumatakbo
na bobo.
Hindi sila iba sa mga 

bobong tumatatakbo.
Makasarili ang dahilan 

sa kanilang pagtakbo.
Lalabas sa TV, 
mamimili ng boto,
magnanakaw at
mandaraya para lamang
manalo.
At meron ding mga bobo
kung bumoto,
bumoboto sa mga
tumatakbong bobo.

Pero paano malalaman 

kung bobo ang tumatakbo,
samantalang sila ay mga santo
at pag-asa ang pangako.
Paano masasabing bobo
ang bumoboto
kung naniniwala sa mga santo
at pag-asa ang gusto.
Malay ba natin kung sila'y 

makasarili,
mangangampanya sa TV,
boto ay binibili,
magnanakaw
at mandaraya lamang 

sa huli.
Wala namang napaparusahan 

at nahuhuli
at parang laway
kung idura ang sori.

O ganito mangatuwiran
ang mga bobo.
At ganito ang gusto
ng mga tumatakbong bobo.
Ay sino nga bang iboboto
ng katulad kong bobo.
Mananalo parin naman
ang mga tatakbo,
wala namang talo kundi
tayo.



http://yield2me.com/-99566.htm

Labels:

Sex, Elements and X


Let me hell into your
heavens not above.

Let me earth, air, fire,
and water in your love.

Let me fill your eyes
with nights now,

with lights
if that is what it is.

I'll let you sky,
I'll let you fly, while

moon and sun

Labels:

Tuesday, October 30, 2012

Silang mga may pusong bato


Maawa tayo sa kanilang
mga may pusong bato,
sapagkat mayroon silang
bakanteng dibdib,
blangkong sentido,
at umaapaw na igo.

Para sa kanila, ang umibig
at ang mag-isip ay pagkatalo,
at tagumpay ang hindi
pagiging makatao.

Apatetik, irasyunal, suhetibo,
makasarili, mahina, mayamo. 

Nakakaawa silang mga may
pusong bato, 
sapagkat naiiwan
silang nag-iisa sa mundo.

Nakakaawa silang mga may
pusong bato,
sapagkat namamatay
silang nag-iisa sa mundo.

http://yield2me.com/-99566.htm 

Labels:

Monday, October 29, 2012

Kay Tachi


Kung eksaktong ilang oras
ka nang nariyan
ay hindi ko alam.
Narinig ko lamang na si
Milenyo'y kagabi pa
binigyan ng langit ng
lisensya upang manalanta.
At ikaw nga'y nariyan Tachi,
suot ang 'yong jaket na
kulay lupa at gatas,
umaalpas mula sa gapos
ng kanyang dulot na lamig,
tumatakas mula sa walang
habas na rigudon ng ulan.
Nagmamakaawa ang mga
maamong mata, umuungot,
kung nakakapagsalita ka lamang.
Naririnig nila ang 'yong pagtangis,
subalit ika'y kanilang nahahayaan 
at natitiis.
Sila'y naroon 
sa loob ng kanilang bahay,
nakakakain, nakakapag-kape,
naakahiga sa mainit na kama,
samantalang ika'y
nagugutom, nauulanan, nalalamigan,
namamatay ng unti-unti
sapagkat malulupit ang mga tao

Labels:

Friday, October 26, 2012

Paghihintay ng oras sa Formerly Mark James Hospital


Parang panaginip na bigla nalang kaming
nandito lahat kanina.
Dala ang Dade naming dinapuan
ng sabi nila'y
nakamamatay na kaba.



Kanina lang sa alaala namin ay matapang,
malakas ang boses,
at masigla.
Parang 'di tinatablan ng bala,
bagama't paminsan-minsa'y
dinadaplisan ng rayuma.
Tinamaan ng disgrasya.
Sa isang iglap dinapuan ng
nakamamatay na kaba.
Parang habambuhay bago sumapit
ang alas diyes ng umaga
upang siya'y makita sa ICU
7:45 palang,
parin.
May kalungkutan sa kanyang mga mata
kanina na muntik nang pumatak.
Buti nalang may swabeng bigote
at may tato sa dibdib na Baby.
Kami,
ang meron lamang ay pag-aalala,
limang piso sa'king bulsa,
mga bulateng nadisgrasya,
dalawang-libong inutang pa,
isang libong sahod ni Sheila,
'di magmamaliw na pagmamahal 

sa kanya,
at pag-asa,
at pananalig na gagaling talaga
si Dade.




Wag lamang tuluyang
matabunan ng kaba
ang malagong bigote.
Hanggang sabihin ng duktor
na magiging maayos ang lahat,
makauwi kami sa Indang,
at makakaing muli nang sabay-sabay.


http://yield2me.com/-99566.htm 

Labels:

Wednesday, October 24, 2012

Ang Alamat ng Pico de Loro


Noong unang panahon
inutusan ni Kalikasan
ang kanyang alagang
higanteng loro
na nagngangalang Marco
upang hulihin ang mata
ni Haring Araw.

Mahiwaga at makapangyarihan
ang mata ni Haring Araw
sapagkat mayroon itong
siyam na silahis na batong
kulay dugo at kapag nakamulat
ay nagdudulot
ng matinding init at tagtuyot.

Maagang lumipad si Marco
sa lupa upang abangan
ang pagsikat ni Haring Araw.

Habang nasa himpapawid
nakarinig si Marco ng isang
napakagandang tinig.

Malakas na ipinagaspas ni
Marco ang kanyang malalapad
na pakpak at mabilis na
hinanap ang pinanggalingan nito.

Lubos ang kanyang galak
nang masumpungan
ang isang dalagang malungkot na
umaawit sa gitna ng batis.

Ang dalaga ay nakababatang kapatid
ni Mariang Makiling na nagngangalang
Diwatang Leso.

Labis na nahumaling si Marco sa
tinig ng diwata at halos makalimutan
nito ang kanyang layunin sa pagbaba
sa lupa.

Nang makabalik sa kanyang hinagap
nagbabadya nang sumikat si Haring Araw.

Lumipad si Marco sa pinakamatulin
niyang bilis patungo sa kinaroroonan
ni Haring Araw.

Subalit, bago pa man siya makalapit
sa mata ay bigla itong nagmulat.
Namalas ng higanteng loro ang
'di mapapantayang kagandahan
ng siyam na silahis na batong kulay dugo,
naranasan din niya ang 'di masusukat
na init nang naglalagablab na mata
na unti-unting tutupok sa kanya.

Labis ang kalungkutan ni Kalikasan
sa pangyayari.

Upang hindi tuluyang maabo
isinumpa ni Kalikasan si Marco
upang maging bato.

Habang kumakalat
ang sumpa sa kanyang katawan,
sa huling pagkakataon
ipinagaspas ng higanteng loro
ang kanyang malalapad na pakpak
upang makalapit sa mata,
at bago tuluyang maging bato
nagawa niyang tukain ang mata
ni Haring Araw.

Simula noon hindi na muling
nagmulat ang mata ni Haring Araw.
Nawala narin ang matinding init
at tagtuyot na hatid nito.

Si Marco nama'y tuluyan
naging bato at hindi na muling
nakabalik sa bisig ni Kalikasan.

Sa paglipas ng panahon
unti-unting natabunan ng lupa
ang katawan ni Marco.

Hanggang ngayon makikita
ang kanyang tuka sa Ternate, Cavite
na isang atraksyon at destinasyon
ng mga taong umaakyat ng bundok.
Itinuturing itong pinakamataas
na bundok sa Cavite.

Tinawag din itong Pico de Loro
o tuktok ng loro ng mga mamamayang
nakatira sa paligid nito dahil narin
sa hugis nito na animo'y tuka ng loro.

Labels:

Monday, October 22, 2012

Ang halimaw na si Kurukuro


Nagkaroon ng malakas
na pagsabog at pagyanig
mula sa palasyo
na lumikha ng malaking
butas.












Mula sa butas ay lumabas
ang halimaw na si
Kurukuro.









4'11 ang taas at mukhang
kuto.

Paurong lumakad
at may nunal sa may nguso.
Sa malaking boses:
wawasakin ko at sasakupin
ang bansang ito!

At winasak ni Kurukuro
ang ekonomiya ng Pinas.
Pinahirapan ang mga
Pinoy.
Nagpasasa sa salapi
at sa kapangyarihan.

Mataas na singil
sa tubig at kuryente.
Mataas na presyo ng
bilihin at langis.
Mababang palitan ng
piso.

Piso ba 'kamo?

Unti-unting nagkamalay
si Juan.

Maaksyon na maaksyon:
hindi kita papayagang sirain
ang aming bansa Kurukuro!

Dinukot sa bulsa
ang natitirang piso
at itinaas.

Swak!

nitro-retro.blogspot.com

Sa pamamagitan ng piso
si Juan ay nagpapalit anyo
at nagiging si Ultrawan.

Lalong nagwala si Kurukuro.

Humanda si Ultrawan,
'sing laki ng libo-libong Juan.

Dibdib ay 'sing liwanag
ng pag-asa ng bayan.

Dagundong ay 'sing ingay
ng sigaw ng masa.

At ang suntok ay 'sing lakas
ng mga kamaong sa langit
nakataas
na sa isang iglap ay tatapos
kay Kurukuro
at sa maiitim na balak nito
sa mga Pilipino.
Swak!

Labels:

Ikaw ang psyche ko

Nilamon ng 'yong ideya
ang aking buong naturalesa,
kaya ako'y naparalisa
at natanga
nang ikaw ay makita.
Siguro'y pinasok mo
ang aking hyphotalamus
at amygdala,
kinontrol ang aking sistema
at tinaggalan ng depensa.
O kaya'y nasa neurons

na ng aking brain cells
na ikaw ay ibigin,
dahil 'di ko alam kung
anong ginawa mo sa'kin.
Kaya naman,
'pag 'di ka nakasama'y
magiging para 'kong bangkay,
kakalas ako sa reyalidad
at mananatiling mag-isa,
'di na babalik ang diwa
at magkaka-schizophrenia.

Labels:

Friday, October 19, 2012

Masayang Bubuyog


At dumating sa Indang ang higanteng bubuyog
sakay ng kanyang isteyt-op-di-art na bihayb.
Magbabanta siyang tumibo sa iyong isip, puso
at panlasa.
Babatiin ka niyang "Welkam to Masayang
Bubuyog mam ser".
Magbebenta siya ng nakakabusog na sarap
at saya.
Susulitin niya ang iyong utot, dighal at pera.
Ihahain niya sa iyo ang manok ng saya,
masayang ispageti, prays at borger,
lahat ng masayang pagkain depende
sa iyong order.
Kapag nasa bahay ka ng bubuyog na masaya,
makakalimutan mo na kuripot
o mahirap ka,
makakalimutan mo ang iyong mga problema.
Pero paglabas mo lamang sa bahay ng
bubuyog na masaya,
saka mo lamang masasabing Pilipino ka,
kasama ang mga Pilipinong
hanggang pangarap na lamang
ang pagiging masaya.

Labels:

Tuesday, October 16, 2012

Mariang Makiling


Di mo maiintindihan
        kung ga'no ako
nananabik sa'yo
       Maranasan ang
pagkabirhen mo
        Sambahin ang 

matayog mong suso
  Maarok mula sa'yo
       ang kalangitan
Matikman ang
   sariwa mong ulan


embrace5.jpg/ rizalarchive.blogspot.com
Hahanapin kita
     sa'n mang sulok
ng kagubatan
  Makikipagtalik sa
madudulas at
   matatarik mong 

       daan
Habang nakakapit
   ang mga limatik
sa buo kong
              katawan.

Labels:

Saturday, October 13, 2012

Cinderella

Dahon na dumudulas sa ere
   ang iyong mga kamay
na kidlat namang humahampas
sa bola
   tuwing humahalik
             sa mga palad mo.

Nakikipagsayaw sa grabedad
   ang maton mong mga paa
eheheh
sa ritmo ng tibok
   ng puso ko.

Nagpaparupok ng aking kalsio.

Mahiwaga
   kung paanong mula
sa bintanang ito
ay nagkakasya ka
sa aking mga mata.
               Nakapagtataka
   kung paanong ako

ay nahuhumaling
   sa tingin at ngiti mong
para sa iba,
kung paanong tangayin
               ng hangin ang
tinig mong di para sa akin.

Hindi magandang
   kumurap
o mapuwing
dahil baka maglaho kang
                       bigla 
          sa aking paningin.

Labels:

Friday, October 12, 2012

Pacman Punch


Mabangis na hayop na gutom na gutom
     ang kanyang mga kamao pagsalang sa ruweda.
        Kampyon siya sa batas ng marangal at ligal
     na basagan ng katawan at bangasan ng mukha.
Pambihira ang tatag ng kanyang tuhod,
                panga, dibdib, bayag at bodega.
        Taglay ng kayumangging ito ang suntok
                          na simbilis ng lintik,
sintalas ng kuko ng agila, at simbigat ng kalabaw.

Mapapatunayan ito nina Baby Face Assassin, El Terrible,
     Dinamita, Dangerous David Diaz, Golden Boy,
     The Hitman, The Grandmaster, Miguel Anghel Cotto,
        La Tornado, Sugar Shane at Desert Storm.

                                Kung bakit humihigpit
ang magkahalikang palad ng Birhen ng Guadalupe
sa tuwing lumuluhod ang kanyang mga
mababagsik na anak,
                   umiikot ang mga bituin
sa ulo ni Uncle Sam,
                   bumabagsak ang tulay ng London,
                   nawawalan ng Ghana ang Africa, at
                   nababahag ang buntot ng mga toro.
Luluhod si Manny Pacquiao sa isang kanto,
      suot ang rosario,
iwawasiwas ang kanyang mga kamao,
      at busog na busog hahango sa ruweda
                                  para sa mga Pilipino.


http://yield2me.com/-99566.htm 

Labels:

Thursday, October 11, 2012

214


Mahuhulog ang mga tala sa gabi,
                Ulan
                Hamog
                Sipon.
                Sinag ng araw sa umaga
Magiging palaso,
Mabilis pa sa liwanag
               Bubulusok
Magiliw na tutusok
Sa mga pusong mapula,
              Maputla
              Abo
              Maitim
              Wasak
Kahit sa pusong ginto sa lupa,
Bato sa tigas
Manhid sa taas
Bulag sa galit.
Hihiwa sa kirot,
              Sakit
              Matinding sakit
              Tampo
              Galit
              Matinding galit
Hanggang tumagos sa kabila
              At magdugo,
              ng magdugo,
              ng magdugo.
Umagos,
At maanod pati iyak
Matangay ang mga latak
Makapatak ang huling wala
               Nang tumibok
               At tumibok
               ng tumibok
at maghanap ng kabika

upang muling mabuo

http://yield2me.com/-99566.htm 

Labels:

Mahangins

Anumang lakas ang hangi'y umihip
Na sa ating puso'y may ginhawang hatid,
Tatagan sana ang pagkakakapit,
Huwag sanang patangay sa dalang hagupit
O malagot sa sangang gapurit,
Napakaaga kung mahinog sa pilit
Yumayabong palang ang umaga't saglit.

Gustuhin man ng hanging ika'y mapigtas,
Alukin ka man ng buhay na wagas,
Lisanin man ng pag-asa at lakas
Iwasang bumitaw sa dalas ng hampas.
Sakaling sa tagal sanga'y rumupok
At tuluyang sa lupa ika'y malugmok,
Nasusukat naman ang buhay sa lalim
At hindi sa taas ng mga naarok
O sa kayamanang naitampok.

Pangarap ma'y agad na tangayin
At sa'n mang dako alaala'y liparin,
Asahang 'di kailanman lilimutin,
Lagi kang buhay sa isip at damdamin
At sa tuwing iihip ang malakas na hangin
Maaalala kang nakangiti sa akin.


http://yield2me.com/-99566.htm 

Labels:

Ang gusto mo lamang naman sa akin ay puke

Wag mong paglaruan
ang aking pakiramdam
damdamin ko ay hindi buslo
hindi bola ang aking puso
ako naman ay iyo lamang
sasakitan
gusto mo lamang naman
akong mahalikan

Wag mong punuin ng mga
brilyante at ginto
ang mga espasyo sa isip ko
ang mga bakante sa aking ulo
lolokohin mo lamang naman at
pagsasamantalahan ako
ang gusto mo lamang naman
sa akin ay suso

Wag mong ipanungkit
ang pinagpala mong dila
dahil hindi parang mangga
na ang puso ay nakukuha
may mga nalalaman ka pang
mga buwan at mga tala
ang gusto mo lamang naman
mahawakan ang aking hita

Wag mong taniman ng mga bulaklak
ang aking utak
ng mga tsokolate
ang aking kukote
iiwanan mo rin lamang naman
akong parang tae
ang gusto mo lamang naman
sa akin ay puke.

Labels: