Posts

Showing posts from 2013

CabSU Nueve

Ayokong kita’y sakyan pa.
Nakiangkas ako sa bumubulusok mong pagtakbo, Habang gumegewang-gewang ang mga pangarap ko.
Ipinagyayabang mo sa’kin ang mga bago mong tayong pyesa, samantalang pinababayaan mong inaanay, kinakalawang, nabubulok ang iba.
Itinuturo mo sa aking kabastusan ang magsalita at magsulat ng mga bagay na maselan, samantalang nakapaskil sa’yong harapan ang pinakamalaking suso sa bayan. Hindi ko lubos maisip kung paano mo pinaghihiwalay ang sining at kabastusan.
Pinipilit mong makipagsabayan sa karera ng buong mundo, samantalang sinasagasaan mo ang mga Isko at Iska mong pasahero.
At magtataas ka na naman bukas ng pasahe mo.
Maglalakad na lang ako..

K.O.

Sa Bagong Silang bumagsak si Pacman sa tapat ng Moisley’s Toy Balloons. Hindi na kami nakaeksena nang sumubsob siya sa basketball court bandang ala-una. Ang natatandaan ko lang eh humihiyaw pa kaming mga fans hehe sa tuwing nasasapul ng buntal si Dinamita. Kami actually ay walang mapagbulsahan ng saya sa tuwing nababahag ang noo ng kalaban niyang mortal. Kinikilig sa mga pagsapok niyang tumutulig sa laos at bulok na kalaban. Humihiwa na ang mga ngiti sa pisngi ng fans kasali ciempre ako. Yes. Nangigigil na makaigkas ang saya. Kumikinang na ang mga mata. Sabay putok ng Dinamita sa mukha ni Pacman. Tinatanaw ko’y nakadapa na at di gumagalaw ang aking idol. Bibili sana ako ng gamot sa  katabing botika pero daig ko pa ang knock out hanggang kaluluwa.

Ang gusto mo lamang naman sa akin ay puke (Reposted)

Wag mong paglaruan ang aking pakiramdam damdamin ko ay hindi buslo hindi bola ang aking puso ako naman ay iyo lamang sasakitan gusto mo lamang naman akong mahalikan
Wag mong punuin ng mga brilyante at ginto ang mga espasyo sa isip ko ang mga bakante sa aking ulo lolokohin mo lamang naman at pagsasamantalahan ako ang gusto mo lamang naman sa akin ay suso
Wag mong ipanungkit ang pinagpala mong dila dahil hindi parang mangga na ang puso ay nakukuha may mga nalalaman ka pang mga buwan at mga tala gusto mo lamang naman mahawakan ang aking hita
Wag mong taniman ng mga bulaklak ang aking utak ng mga tsokolate ang aking kukote iiwanan mo rin lamang naman akong parang tae ang gusto mo lamang naman sa akin ay puke.

Ang kaya mo lamang naman ipagyabang ay tite (Reposted)

Wag mo akong gawing utusan
sunud-sunuran sa'yong atas
sukat sa'tin sa mundo'y patas
ihi mo lamang ang mataas.

Wag mo akong magawang saktan
dahil 'di kita uurungan
menstrasyon, konsepsyon, sesaryan,
sa tuli ka lang nahirapan.

Wag mo akong mamaliitin
wala kaming 'di kayang gawin
kaya kitang s'yam na b'wan dalhin
bayag lang kaya mong bitbitin.

Wag mo akong gawing laruan
o hugis ng 'yong kamunduhan
maraming taglay kaming yaman
tite lang kaya mong pagyabang.

Nasa Almar si Superman at Captain America

Nakita kong naghahabulan si Superman at Captain America kaninang umaga habang nagbababa ang dyip ng mga pasahero sa Almar. Nasa gilid sila ng kalsada lumilipad sa ibabaw ng mga graba. Nakikipagunahan sa bilis ng mga dyip papuntang SM Maligaya. Hindi nagugulo ang bangs na “S”. Hindi nabubura ang “A” sa noo Tila nanalo na naman sa isang labanan na walang liguan at umagahan. Sira-sira ang damit na hindi napapalitan at wala ng brief si Superman.
Si Captain America naman ay pudpod na ang tsinelas at butas ang puwitan. Hindi ko talaga maisip kung saan nila nakukuha ang kapangyarihang patuloy na makipaglaban sa kontrabidang kahirapan. Kung talagang umaabot sila ng barya sa kanilang mga natutulungan. Kung taga ibang planeta nga o iniwan lang ng kanilang mga magulang Hindi natin alam Palibhasa nga siguro dahil sila si Superman at Captain America Sinasagot nila ang mga tanong ko nang sariwang ngiti, higikgik at tawa.

Daisy

Image
Pinupuno niya ng mga baga ang langit
Upang gumawa ng dilim
Sinisindihan hanggang magningas
ang mga bituin.
Hinuhulma mula sa abo
ang buwan
Tumatanglaw sa naglalakad
Sa kawalan.

Nilalatag niya ang dagat sa langit
upang gumawa ng liwanag
Hinahampas ng alon
hanggang bumuhos ang ulan.
Inuukit ang sikat ng araw
sa dalampasigan
Tumatangangay sa bulaklak
sa kalawakan.










Hindi ako ang buwan na maglalaho sa lakas ng hangin
Hindi ikaw ang araw na mabubura
sa buhangin.
Hindi tayo ang mga bituin
na magniningas lamang sa gabi
Hindi tayo ang mga buhangin
na matatangay lamang sa tabi.

Siya, sila ang gumawa ng langit
na hindi ko nakita kailanman.
Sila ay ang walang hanggan na tag-ulan.
Tayo nama’y ningas ng mga baga
na walang katapusan.
Ako ang lalaking naglalakad sa kawalan
Ikaw ang magandang bulaklak
na aking natagpuan.