Posts

Showing posts from 2013

CabSU Nueve

Ayokong kita’y sakyan pa. Nakiangkas ako sa bumubulusok mong pagtakbo, Habang gumegewang-gewang ang mga pangarap ko. Ipinagyayabang mo sa’kin ang mga bago mong tayong pyesa, samantalang pinababayaan mong inaanay, kinakalawang, nabubulok ang iba. Itinuturo mo sa aking kabastusan ang magsalita at magsulat ng mga bagay na maselan, samantalang nakapaskil sa’yong harapan ang pinakamalaking suso sa bayan. Hindi ko lubos maisip kung paano mo pinaghihiwalay ang sining at kabastusan. Pinipilit mong makipagsabayan sa karera ng buong mundo, samantalang sinasagasaan mo ang mga Isko at Iska mong pasahero. At magtataas ka na naman bukas ng pasahe mo. Maglalakad na lang ako..

K.O.

Sa Bagong Silang bumagsak si Pacman sa tapat ng Moisley’s Toy Balloons. Hindi na kami nakaeksena nang sumubsob siya sa basketball court bandang ala-una. Ang natatandaan ko lang eh humihiyaw pa kaming mga fans hehe sa tuwing nasasapul ng buntal si Dinamita. Kami actually ay walang mapagbulsahan ng saya sa tuwing nababahag ang noo ng kalaban niyang mortal. Kinikilig sa mga pagsapok niyang tumutulig sa laos at bulok na kalaban. Humihiwa na ang mga ngiti sa pisngi ng fans kasali ciempre ako. Yes. Nangigigil na makaigkas ang saya. Kumikinang na ang mga mata. Sabay putok ng Dinamita sa mukha ni Pacman. Tinatanaw ko’y nakadapa na at di gumagalaw ang aking idol. Bibili sana ako ng gamot sa  katabing botika pero daig ko pa ang knock out hanggang kaluluwa.

Ang gusto mo lamang naman sa akin ay puke (Reposted)

Wag mong paglaruan ang aking pakiramdam damdamin ko ay hindi buslo hindi bola ang aking puso ako naman ay iyo lamang sasakitan gusto mo lamang naman akong mahalikan Wag mong punuin ng mga brilyante at ginto ang mga espasyo sa isip ko ang mga bakante sa aking ulo lolokohin mo lamang naman at pagsasamantalahan ako ang gusto mo lamang naman sa akin ay suso Wag mong ipanungkit ang pinagpala mong dila dahil hindi parang mangga na ang puso ay nakukuha may mga nalalaman ka pang mga buwan at mga tala gusto mo lamang naman mahawakan ang aking hita Wag mong taniman ng mga bulaklak ang aking utak ng mga tsokolate ang aking kukote iiwanan mo rin lamang naman akong parang tae ang gusto mo lamang naman sa akin ay puke.

Ang kaya mo lamang naman ipagyabang ay tite (Reposted)

Wag mo akong gawing utusan sunud-sunuran sa'yong atas sukat sa'tin sa mundo'y patas ihi mo lamang ang mataas. Wag mo akong magawang saktan dahil 'di kita uurungan menstrasyon, konsepsyon, sesaryan, sa tuli ka lang nahirapan. Wag mo akong mamaliitin wala kaming 'di kayang gawin kaya kitang s'yam na b'wan dalhin bayag lang kaya mong bitbitin. Wag mo akong gawing laruan o hugis ng 'yong kamunduhan maraming taglay kaming yaman tite lang kaya mong pagyabang .

Nasa Almar si Superman at Captain America

Nakita kong naghahabulan si Superman at Captain America kaninang umaga habang nagbababa ang dyip ng mga pasahero sa Almar. Nasa gilid sila ng kalsada lumilipad sa ibabaw ng mga graba. Nakikipagunahan sa bilis ng mga dyip papuntang SM Maligaya. Hindi nagugulo ang bangs na “S”. Hindi nabubura ang “A” sa noo Tila nanalo na naman sa isang labanan na walang liguan at umagahan. Sira-sira ang damit na hindi napapalitan at wala ng brief si Superman. Si Captain America naman ay pudpod na ang tsinelas at butas ang puwitan. Hindi ko talaga maisip kung saan nila nakukuha ang kapangyarihang patuloy na makipaglaban sa kontrabidang kahirapan. Kung talagang umaabot sila ng barya sa kanilang mga natutulungan. Kung taga ibang planeta nga o iniwan lang ng kanilang mga magulang Hindi natin alam Palibhasa nga siguro dahil sila si Superman at Captain America Sinasagot nila ang mga t...

Daisy

Image
Pinupuno niya ng mga baga ang langit Upang gumawa ng dilim Sinisindihan hanggang magningas ang mga bituin. Hinuhulma mula sa abo ang buwan Tumatanglaw sa naglalakad Sa kawalan. Nilalatag niya ang dagat sa langit upang gumawa ng liwanag Hinahampas ng alon hanggang bumuhos ang ulan. Inuukit ang sikat ng araw sa dalampasigan Tumatangangay sa bulaklak sa kalawakan. Hindi ako ang buwan na maglalaho sa lakas ng hangin Hindi ikaw ang araw na mabubura sa buhangin. Hindi tayo ang mga bituin na magniningas lamang sa gabi Hindi tayo ang mga buhangin na matatangay lamang sa tabi. Siya, sila ang gumawa ng langit na hindi ko nakita kailanman. Sila ay ang walang hanggan na tag-ulan. Tayo nama’y ningas ng mga baga na walang katapusan. Ako ang lalaking naglalakad sa kawalan Ikaw ang magandang bulaklak na aking natagpuan.