Pages

Wednesday, July 24, 2013

Nasa Almar si Superman at Captain America

Nakita kong naghahabulan si
Superman at Captain America
kaninang umaga
habang nagbababa ang dyip
ng mga pasahero sa Almar.
Nasa gilid sila ng kalsada
lumilipad sa ibabaw ng mga graba.
Nakikipagunahan sa bilis ng mga dyip
papuntang SM Maligaya.
Hindi nagugulo ang bangs na “S”.
Hindi nabubura ang “A” sa noo
Tila nanalo na naman sa isang labanan
na walang liguan at umagahan.
Sira-sira ang damit
na hindi napapalitan
at wala ng brief si Superman.

Si Captain America naman
ay pudpod na ang tsinelas
at butas ang puwitan.
Hindi ko talaga maisip kung saan
nila nakukuha ang kapangyarihang
patuloy na makipaglaban sa
kontrabidang kahirapan.
Kung talagang umaabot sila ng barya
sa kanilang mga natutulungan.
Kung taga ibang planeta nga o
iniwan lang ng kanilang mga magulang
Hindi natin alam
Palibhasa nga siguro dahil
sila si Superman at Captain America
Sinasagot nila ang mga tanong ko
nang sariwang ngiti, higikgik at tawa.

1 comment: