Alamat ng Asukal na Pula

Noong unang panahon
sa Hacienda Luisita
sa plantasyon ng asukal
ng mga Cojuanco
may manggagawang bukid
na ang ‘ngalan ay Sakada
nagtatanim at nag-aani
ng tubó.

Si Sakada’y may asawa’t
labing-isang anak
tubo ng Bicol
napadpad sa Tarlac
payat, maitim na
sunog ang balat
sagana sa hirap
sa sarap ay salat

Ang tubó sa hasyenda
ay napakatamis
sapagkat dinidilig
ang lupa ng pawis
samantalang ang asukal
ay napakaputi
sapagkat may pag-asa
ng ginhawang mithi

Subalit si Sakadang
istakholder ng azucarera
at apatnapung taon nang
nagsasaka sa hasyenda
ay nanyn pipti lamang
isang araw ang kinikita
at hanggang ngayon
wala pang lupang kanya

Si Sakada sa trabaho’y
Biglang nasibak
Namatay sa gutom
asawa’t dal’wang anak
‘Pinasa-diyos kapalarang
sila’y nasadlak
Sumunod na namatay ang
tatlo pang anak

Nagtipon ang mga
manggagawang bukid at sacadas
itinigil ang paggawa
sa berdugong hasyenda
nagkaisang ipaglaban
ang karapatan nila
at nagsagawa
ng malaking welga

Tinangkang buwagin
ang mga welgista
ng daang-daang pulis
todo pamalo at panangga
binomba ng tubig na
may mga piraso ng bakal
tinirgas at ‘tinaboy
sa pinakamadahas na asal

Habang sumusulong
isinisigaw ang karapatan
sanlaksang bala sa kanila’y
pinakawalan
Si Sakada’t mga kasamang
magiting na nakipaglaban
dinilig ng dugo
ang malawak na tubuhan.

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

CabSU Nueve

Ang Alamat ng Pico de Loro