Pages

Wednesday, October 24, 2012

Ang Alamat ng Pico de Loro


Noong unang panahon
inutusan ni Kalikasan
ang kanyang alagang
higanteng loro
na nagngangalang Marco
upang hulihin ang mata
ni Haring Araw.

Mahiwaga at makapangyarihan
ang mata ni Haring Araw
sapagkat mayroon itong
siyam na silahis na batong
kulay dugo at kapag nakamulat
ay nagdudulot
ng matinding init at tagtuyot.

Maagang lumipad si Marco
sa lupa upang abangan
ang pagsikat ni Haring Araw.

Habang nasa himpapawid
nakarinig si Marco ng isang
napakagandang tinig.

Malakas na ipinagaspas ni
Marco ang kanyang malalapad
na pakpak at mabilis na
hinanap ang pinanggalingan nito.

Lubos ang kanyang galak
nang masumpungan
ang isang dalagang malungkot na
umaawit sa gitna ng batis.

Ang dalaga ay nakababatang kapatid
ni Mariang Makiling na nagngangalang
Diwatang Leso.

Labis na nahumaling si Marco sa
tinig ng diwata at halos makalimutan
nito ang kanyang layunin sa pagbaba
sa lupa.

Nang makabalik sa kanyang hinagap
nagbabadya nang sumikat si Haring Araw.

Lumipad si Marco sa pinakamatulin
niyang bilis patungo sa kinaroroonan
ni Haring Araw.

Subalit, bago pa man siya makalapit
sa mata ay bigla itong nagmulat.
Namalas ng higanteng loro ang
'di mapapantayang kagandahan
ng siyam na silahis na batong kulay dugo,
naranasan din niya ang 'di masusukat
na init nang naglalagablab na mata
na unti-unting tutupok sa kanya.

Labis ang kalungkutan ni Kalikasan
sa pangyayari.

Upang hindi tuluyang maabo
isinumpa ni Kalikasan si Marco
upang maging bato.

Habang kumakalat
ang sumpa sa kanyang katawan,
sa huling pagkakataon
ipinagaspas ng higanteng loro
ang kanyang malalapad na pakpak
upang makalapit sa mata,
at bago tuluyang maging bato
nagawa niyang tukain ang mata
ni Haring Araw.

Simula noon hindi na muling
nagmulat ang mata ni Haring Araw.
Nawala narin ang matinding init
at tagtuyot na hatid nito.

Si Marco nama'y tuluyan
naging bato at hindi na muling
nakabalik sa bisig ni Kalikasan.

Sa paglipas ng panahon
unti-unting natabunan ng lupa
ang katawan ni Marco.

Hanggang ngayon makikita
ang kanyang tuka sa Ternate, Cavite
na isang atraksyon at destinasyon
ng mga taong umaakyat ng bundok.
Itinuturing itong pinakamataas
na bundok sa Cavite.

Tinawag din itong Pico de Loro
o tuktok ng loro ng mga mamamayang
nakatira sa paligid nito dahil narin
sa hugis nito na animo'y tuka ng loro.

No comments:

Post a Comment