Friday, October 19, 2012

Masayang Bubuyog


At dumating sa Indang ang higanteng bubuyog
sakay ng kanyang isteyt-op-di-art na bihayb.
Magbabanta siyang tumibo sa iyong isip, puso
at panlasa.
Babatiin ka niyang "Welkam to Masayang
Bubuyog mam ser".
Magbebenta siya ng nakakabusog na sarap
at saya.
Susulitin niya ang iyong utot, dighal at pera.
Ihahain niya sa iyo ang manok ng saya,
masayang ispageti, prays at borger,
lahat ng masayang pagkain depende
sa iyong order.
Kapag nasa bahay ka ng bubuyog na masaya,
makakalimutan mo na kuripot
o mahirap ka,
makakalimutan mo ang iyong mga problema.
Pero paglabas mo lamang sa bahay ng
bubuyog na masaya,
saka mo lamang masasabing Pilipino ka,
kasama ang mga Pilipinong
hanggang pangarap na lamang
ang pagiging masaya.

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home