Thursday, October 11, 2012

Mahangins

Anumang lakas ang hangi'y umihip
Na sa ating puso'y may ginhawang hatid,
Tatagan sana ang pagkakakapit,
Huwag sanang patangay sa dalang hagupit
O malagot sa sangang gapurit,
Napakaaga kung mahinog sa pilit
Yumayabong palang ang umaga't saglit.

Gustuhin man ng hanging ika'y mapigtas,
Alukin ka man ng buhay na wagas,
Lisanin man ng pag-asa at lakas
Iwasang bumitaw sa dalas ng hampas.
Sakaling sa tagal sanga'y rumupok
At tuluyang sa lupa ika'y malugmok,
Nasusukat naman ang buhay sa lalim
At hindi sa taas ng mga naarok
O sa kayamanang naitampok.

Pangarap ma'y agad na tangayin
At sa'n mang dako alaala'y liparin,
Asahang 'di kailanman lilimutin,
Lagi kang buhay sa isip at damdamin
At sa tuwing iihip ang malakas na hangin
Maaalala kang nakangiti sa akin.


http://yield2me.com/-99566.htm 

Labels:

0 Comments:

Post a Comment

Subscribe to Post Comments [Atom]

<< Home