Tagu-taguan Maliwanag ang Buwan

Kapag nadampian ng lintek na sakit
ang langit mula sa kapirasong sarap,
kapag dinukit ng balang mapait ang buto
at balat ng mga naligaw sa impyerno,
hindi titigil sa pagsirit ang dugo.

Tapalan man ng himala, siyensya o pangako,
hindi titigil sa pagsirit ang dugo,
hangga't sinisipsip ng minurang lupa,
hangga't hindi na kayang itago
ang lahat sa talukap ng birheng ulap.

Hindi titigil sa pagsirit ang dugo
hanggat hindi nauutas ang lahat
ng walang malay na humihinga, ang
lahat ng sobrang dunong na ubod ng tanga,
ama namin, aba ginoong maria, putang ina.

Comments

Post a Comment

Popular posts from this blog

CabSU Nueve

Alamat ng Asukal na Pula

Ang Alamat ng Pico de Loro