Maria

Minsang humilig ang mga damo
sa aking mga balikat,
inibig na kitang tunay,
ngunit hindi nahulog ang mga tala
ng gabing yaon.
Bagkus, sinimulang manhirin ng mga
alon ang aking mga palad, minugto ng
mga gabi ang aking mga mata, at patuloy
kitang hinanap sa buhangin.

Ganoon nga Maria, yayakap at muling
ikaw ay huhuna sa akin.
Ngunit sa tuwing naaalala mong ako ang
bulaklak, nakakalimutan mong ikaw ay
mailap.
Papasok ka sa pinto at itataboy
ang sarili, hehele kang muli at muling
lulubay.
Ganoon nga Maria, uugat at muling ikaw
ay bibitaw sa akin.
Ngunit ngayon tuluyang ikaw ay
humulagpos.

Kumalahati ang buwan at umulan ng
palaso.
Pumalaot kang bigla sa iyong kalaliman
at kumalas ka sa iyong pangungusap.
Bukas sasakitan mo na ako.
Napakagandang araw upang itakda ang
aking kamatayan.
Pula na ang kalawakan.
Humalimuyak na ang dugo.
Pucha.
Naiintindihan pa rin kita.


August 12, 2003

Comments

Popular posts from this blog

CabSU Nueve

Alamat ng Asukal na Pula

Ang Alamat ng Pico de Loro