Manolo

Batid kong ika’y sa pagtiklop ng banig,
lumalarga, humahayo, pinapastol ang sarili;
lumalagi kung saan ‘di ka sukat tumayog,
ni lumubog, ni kumatamtaman,
ni mangarap man lamang.

Batid ko ring sa paglatag ng banig,
baluktot ka lamang sapagkat malamig;
‘di mo nga naisip gawing bato ang pawid;
‘di ka nga nagpupuyat;
‘di ka nga nananaginip.

Ikaw nga Manolo, Pilipino naman.
Dibdib at dila, dugo at laman.
Nalilibang lamang ‘di naman natutuwa.
Naisip mo rin namang ‘di sapat ang wala.
Maaaring naaliw ka nga la’ng sa’yong paghele.

(Ganoon nga ba Manolo, at labis kang umasang
palaging ika’y dudulutan ng suso?)
Kung sa bagay bukas nama’y may kaya ka ng lumakad.
Alam ko ring mag-aalab ka rin.
At mababatid kong sa muling pagtiklop ng banig,

ika’y may pakialam, ika’y may tinutungo,
‘di iisip kumalas, sa halip magpupunla.
Isusugal ang sarili, at iuugat ang buhay.
Mababatid ko ring sa muling paglatag ng banig,
ang mga kabataan, ikaw Manolo, at ang

wikang taglay mo,
ay uubra, papalo, malupit, at
poporma, upang hubugin ang susi na
siyang magbubukas ng pinto sa pag- unlad ng
pamayanan.


August 29, 2003

Comments

Popular posts from this blog

CabSU Nueve

Alamat ng Asukal na Pula

Ang Alamat ng Pico de Loro